Dumating ngayong araw sa Pilipinas ang panibagong batch ng mga Pilipino mula sa Israel na apektado ng nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa 39 na overseas Filipino workers (OFWs) at isang bata ang dumating sa bansa sakay ng Etihad Airlines Flight EY424.
Sa bilang na ito 38 ang caregivers at isang hotel worker.
Ang mga OFW ay kusang nag-avail ng repatriation program ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsisikap ng DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sila ay nakatanggap ng agarang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng ₱75,000 bawat isa mula sa AKSYON Fund ng ahensya at iba pang tulong mula sa pamahalaan.
Sa ngayon, nakapagpauwi na ang pamahalaan ng kabuuang 1,147 OFWs mula nang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas noong October 2023.
Sa bilang na ito, 850 ang nagmula sa Israel, 289 mula sa Lebanon, anim mula sa West Bank, at dalawa mula sa Gaza. | ulat ni Diane Lear