Naghain si Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo ng panukalang batas para alisin na ang travel tax na ipinapataw sa lahat ng mga Pilipino na nagnanais magbiyahe papuntang abroad sa pamamagitan ng economy class.
Ayon kay Tulfo, ang pag-oobliga sa pagbayad ng travel tax bago makapag-abroad ay labag sa ating 1987 Constitution partikular sa Article III, Section 6 ng Bill of Rights.
Aniya, ang pinagbabasehan ng pamahalaan ng patuloy na pagpataw ng travel tax ay ang Presidential Decree 1183 na inilabas noong taong 1977.
Sa ilalim nito, ang mga Pilipino na exempted sa pagbayad ng travel tax ay ang mga OFW, sanggol, at government officials at corporations on official travel.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, nais nitong ma-repeal o mapawalang bisa ang PD 1183, at gawing exempted rin sa travel tax ang lahat ng pasahero sa economy class.
Maging ang mga indibidwal mula sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na papaalis ng Pilipinas at bibiyahe sa iba pang ASEAN member states.
Pero ang mga pasahero sa first and business class ay mananatiling magbabayad pa rin ng tinatawag na luxury tax. | ulat ni Nimfa Asuncion