Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong amyendahan ang Rice Tariffication Law (RA 11203) para mapalakas ang proteksyon ng local rice producers at matugunan ang apela ng stakeholders sa rice industry.
Kabilang sa mga isinusulong na amyenda sa RTL ay ang extension ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031 at maglalaan ng P30 bilyon para dito na huhugutin sa taripa mula sa mga inaangkat na bigas.
Kung kukulangin ang pondo ay maaari itong dagdagaan sa ilalim ng national budget o General Appropriations Act (GAA).
Isinusulong din ng panukala na mapalakas ang regulatory functions ng Department of Agriculture (DA) – Bureau of Plant Industry, gayundin ang palakasin ang kapangyarihan ng DA secretary na tugunan ang deklarasyon ng rice food shortage at kakaibang pagtaas ng presyo ng bigas.
Nakasaad din dito na maaaring mag-angkat ang DA kapag walang available na bigas locally at magtalaga ng isang importing authority maliban sa NFA.
Pwede ring ipagbawal ng Pangulo ng Pilipinas ang dagdag pang importasyon o paglimita ng volume ng aangkatin kung magkakaroon na ng sobra-sobrang suplay ng imported at lokal na bigas sa merkado
Itinatakda rin ng panukala ang pagbuo ng Program Management Office na siyang magmomonitor ng RCEF at National Rice Program. | ulat ni Nimfa Asuncion