Inihain ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang House Bill 10734 upang gawing “future-proof” ang learning materials at matiyak ang sapat na bilang ng libro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Yamsuan, makakamit lamang ang hangarin ng House Bill 10734 kung palalakasin ang ugnayan ng Department of Education at National Book Development Board.
Ginawa ng mambabatas ang hakbang matapos madiskubre ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang paghihirap ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan dahil sa kakulangan ng mga libro.
Diin ng Bicolano solon, ang kaniyang panukalang batas ay sagot sa matagal nang problema ng mga mag-aaral partikular sa kanilang kakayahan sa math, science at pagbabasa.
Tinutukoy ng mambabatas ang lumabas sa pag-aaral ng Program for International Students Assessment (PISA) noong 2022 na nagpapakita na ang mga Pilipinong mag-aaral ay napag-iiwanan pagdating sa mga nabanggit na asignatura.
Layon din ng naturang House Bill ang lumikha ng Textbook Review Committee na mangangasiwa sa pagrepaso nng mga libro at paggawa ng teacher’s manual sa mga pampublikong paaralan. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes