Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong tugunan ang job-skills mismatch, underemployment at unemployment sa bansa, ito ang Senate Bill 2587 o ang enterprise-based education and training (EBET) Framework bill.
Sa botong 19 na senador ang pabor, walang tutol at walang nag-abstain, lusot na sa Mataas na Kapulungan ang panukalang layong suportahan ang Trabaho Para sa Bayan Act (RA 11962).
Ayon kay Senate Committee on Labor chairman Senador Joel Villanueva, idinesenyo ang EBET Framework para ayusin at pag-isahin ang lahat ng guidelines tungkol sa mga enterprise-based education and training programs, at palawakin ang training opportunities para sa mga indibidwal na nais linangin ang kanilang kakayahan.
Hinihikayat rin ng panukala ang aktibong pakikiisa ng lahat ng mga stakeholders dahil kinikilala ang mahalagang papel ng pribadong sektor sa pagtugon sa job-skils mismatch.
Makakatulong aniya ito para matiyak na ang mga skills at competencies ng mga manggagawa ay tugma sa pangangailangan ng labor market.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ay ang pagkakaloob ng training scholarships sa ilalim ng TESDA sa mga EBET trainees habang bibigyan ng insentibo ang mga enterprises na makikiisa sa programa.| ulat ni Nimfa Asuncion