Prinisinta na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2699 o ang panukalang Konektadong Pinoy Act na layong mapabuti ang digital infrastructure ng Pilipinas at mapantayan ang mga kalapit na bansa sa Southeast Asia.
Sa sponsorship speech ni Senate Committee on Science and Technology Chairperson Senador Alan Peter Cayetano, sinabi nitong layon ng panukala na i-update ang mga lumang patakaran sa telekomunikasyon na nagpapahirap sa pagpapabuti ng internet connectivity sa Pilipinas.
Nakatuon din ito sa pagpapababa ng presyo, pagpapabilis, at pagpapadali ng access sa internet sa bansa.
Papasimplehin din ng panukalang ito ang pag-apruba sa mga kumpanya ng telekomunikasyon na nais makapasok sa mercado, sa pamamagitan ng pagtanggal ng legislative franchise para mapasigla ang kompetisyon.
Tutugunan din ng panukalang batas ang epektibong pamamahala ng radio spectrum, na mahalaga para sa pagpapalawak ng coverage, at pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo lalo na sa mga lugar na kulang o walang koneksyon.
Bukod dito, isinusulong nito ang ‘infrastructure sharing’ sa pagitan ng mga kumpanya ng telekomunikasyon, na makakatulong sa pagpapababa ng mga gastusin at pagpapadali ng pagbibigay ng serbisyo sa mga rehiyon na may limitadong koneksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion