Niratipikahan na ng Senado ang Bicameral Conference Committee Report ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program bill.
Ayon kay Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian, isusulong ng panukala ang pagkakaroon ng mga sistematikong tutorial sessions, pati na rin ng mga intervention plans at learning resources para matugunan ang learning loss.
Ayon sa mambabatas, makatutulong ang panukalang batas upang tugunan ang krisis na kinakaharap ng bansa sa edukasyon, bagay na sinasalamin ng performance ng Pilipinas sa mga international large-scale assessments gaya sa 2022 programe for international student assessment (PISA) kung saan mababa ang naging marka ng Pilipinas pagdating sa Reading, Mathematics, at Science.
Sasaklawin ng ARAL Program ang essential learning competencies sa Reading at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10.
Bibigyan ng prayoridad ng naturang programa ang Reading at Mathematics para hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga bata.
Para naman sa mga mag-aaral sa Kindergarten, tututukan naman ang pagpapatatag sa literacy at numeracy competencies. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion