Aminado ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na hamon sa kanila ngayon ang gastos sa mga POGO hub na kanilang na re-raid at kasalukuyang binabantayan.
Pagbabahagi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, sa isang buwan ay pumapalo sa P5 milyong ang bayad nila sa kuryente sa tatlong POGO hubs na nasa kanilang kustodiya.
Ang Lucky South 99, kada buwan ay pumapalo ng hanggang P2 million, ang Zun Yuan naman sa Bamban, Tarlac, nasa P1.2 million ang kuryente at ang dalawang pasilidad sa Pasay ay nasa P2.2 million.
Maliban dito, sinasagot din aniya nila ang gatas ng mga anak ng Pilipinang nagtrabaho sa POGO at nabuntis ng mga Chinese nationals na inabandona.
Sa isang buwan umaabot aniya ng P200,000 ang gastos nila sa panggastas.
Naniniwala naman si House Appropriations vice chair Janette Garin na dapat madagdagan ang pondo ng PAOCC.
Ang PAOCC ay binububo ng DILG, DOJ, DND, DFA, national security adviser, AFP, PNP, National Intelligence Coordinating Agency, NBI at Philippine Center For Transnational Crime.| ulat ni Kathleen Forbes