Pinapurihan ng Trabaho Partylist ang Marcos administration sa mga ipinatupad nitong economic policy, dahilan para makamit ng Pilipinas ang makasaysayang “all-time low” na unemployment rate, ang ikalawang pinakamataas na Gross Domestic Product (GDP) growth sa buong mundo.
Ayon kay Atty. Filemon Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, sa kabila ng minanang pandaigdigang hamon ay napatunayan na tama ang tinatahak na polisya ng administrasyon.
Ikinatuwa ng grupo ang naitalang 96.9% employment rate dahil nakahanay ito sa mga plataporma nilang pagpapalakas ng kalidad ng trabaho, disenteng sahod at maayos na non-wage benefits.
Binigyang halaga rin ng grupo ang “Build Better More” infrastructure program ng Marcos administration matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagkaroon ng construction boom.
Ayon sa PSA, nakapagtala ito ng pinakamataas na increase na 16.1% sa Gross Fixed Capital Formation sa industriya ng konstruksyon noong second quarter ng 2024.
Kinilala rin ng Trabaho Partylist ang tagumpay ng administrasyon matapos ito makapagdagdag ng halos isang milyong trabaho sa bansa kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon.
Kabilang naman sa mga dapat pang tutukan ang pagkontrol ng inflation at pagpapaganda ng kalidad ng trabaho, na kabilang sa mga “most urgent national concerns” ng mga Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes