Umaapela ngayon si OFW party-list Rep. Marissa Magsino sa mga OFW sa Lebanon na unahin ang kanilang kaligtasan at lumikas.
Ito ay sa gitna ng posibilidad ng giyera sa naturang bansa dahil sa tumitinding sitwasyon doon sa pagitan ng Hezbollah at Israeli Forces.
Ani Magsino, kung hindi naman kinakailangang manatili ay lumikas na at makipag-ugnayan sa ating embahada.
Batay na rin aniya sa abiso ng embahada, kung hindi sila makaalis sa Lebanon ay lumikas muna sa mga karatig lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley.
Hiling naman ng mambabatas sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration na tiyaking nakalatag na ang agaran at epektibong reintegration program para sa mga uuwing OFW.
Kasalukuyang nakataas ang Alert Level 3 sa Beirut na ang ibig sabihin ay nagpapatupad ng voluntary repatriation. | ulat ni Kathleen Forbes
📷: