Pinasalamatan ni House Committee on Appropriations Chair at AKo Bicol Partylist Representative Elizaldy Co ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa agarang pagresponde sa kanyang panawagan na sagutin nito ang professional fees ng mga doctor.
Maaalalang noong budget deliberation ng PCSO, tinalakay ni Rep. Co ang daing ng mga mahihirap na kababayan natin na wala halos na ipambayad sa mga doctor’s fee dahil sa pagtanggi ng mga doctor na mabayaran sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent and Financialy Incapacitated Patients Program (MAIPP).
Alinsunod din ito sa hiling ni House Speaker Ferdinand Martin Romuladez na tuklasin ang ilang hakbang para paghusayin ang healthcare delivery sa publiko lalo na sa mga mahihirap.
Ayon kay Rep. Co naging mabilis ang tugon ng PCSO sa pamumuno ni Gen. Manager Mel Robles, pahiwatig ng tunay na pagmamalasakit ng ahensya sa mga Pilipino lalo na sa mga kababayang kapus-palad.
Pinasalamatan din ng Bicolano Solon si Philippine Medical Association President Hector Santos sa kanyang commitment na lahat ng kanilang miyembrong doktor ay tatanggap ng bayad mula sa PCSO kahit umabot ng 30-60 days bago ito matanggap.
Dagdag pa dito, sumang-ayon din sila sa pagsasagawa ng mga pro-bono cases o libreng serbisyong medical, isang patunay na kapag nagkaisa ang gobyerno at mga professionals ay makakamit ang tunay na pagseserbisyo publiko. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes