Patuloy ang pagpupursige ng Philippine Coconut Authority para maiangat ang industriya ng pagniniyog sa bansa at maging number one exporter ng niyog sa buong mundo.
Sa pagbubukas ng ika-38 National Coconut Week, inilatag ng PCA ang iba’t ibang hakbang nito na nakasentro sa ‘BAYANIyogan’ o pagbabayanihan para sa ikauunlad ng coconut sector.
Kasama pa rin sa highlight ng selebrasyon ngayong taon ang isasagawang National Tree Planting tungo sa target na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa mensahe ni DA Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. na binasa ni Usec. Roger Navarro, ipinunto ng kalihim ang pangangailangan na mapalawak ang mga oportunidad sa mga magniniyog, mula sa research and development, market access hanggang sa assistance.
Samantala, bukod sa tree planting, tampok din sa selebrasyon ng National Coconut Week ngayon ang paglulunsad ng “Cocolinary” o isang coconut culinary show kung saan bida ang iba’t ibang putaheng niyog. | ulat ni Merry Ann Bastasa