Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa abswelto sa imbestigasyon sa tatlong insidente sa karagatan ng Bataan ang mga opisyal at tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Sa pulong balitan sa Quezon City, sinabi ni DOJ Usec. Raul Vasquez na siyang namuno sa Inter- Agency Task Force on Bataan Oil Spill na iimbestigahan pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pananagutan ng PCG at MARINA kaugnay sa paglubog ng M/T Terra Nova , ang M/T Jason Bradley na dati nang nasangkot sa umanoy oil smuggling.
Gayundin ang pagsadsad ng M/V Mirola sa Marveles, Bataan na hindi rehistrado, walang record at walang insurance.
Kailangan ding ipaliwanag ng PCG at MARINA kung paano napadpad sa Mariveles ang M/V Mirola na nakaangKla sa lugar na wala namang makina.
Samantala, pagtiyak pa ni Usec. Vasquez na pagbabayarin ng kompensasyon ang mga responsable sa oil spill sa Bataan, Batangas at Cavite.
Aabot sa mahigit 21,000 claimants ang mula sa Batangas at nasa 31,000 apektadong mamamayan naman sa Cavite. | ulat ni Rey Ferrer