Bukas ang Philipine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa panukala ni House Deputy Speaker at Quezon Rep. Jayjay Suarez na magkaroon ng “innovative” solutions upang mabawi ang mawawalang kita ng gobyerno mula sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Ayon kay Suarez, maari itong umagapay sa mawawalang kita ng gobyerno bunsod ng total ban ng POGO, inahalimbawa rin niya ang in-cockpit betting o “sabong” na maituturing na billion dollar economy.
Diin pa ng house leader ito’y upang matigil na ang iligal na online sabong na wala naman kita ang gobyerno na sa ngayon ay nasa mahigit 700 na ang nagooperate nang iligal.
Pinagsusumite rin ng Committee on Appropriations ng feasibility study at position paper ukol sa pag-regulate ng sabong sa bansa.
Ayon naman kay PCSO Chair Felix Reyes kung aatasan sila ng gobyerno alinsunod sa batas ay maari silang makalikom ng kita mula sa “cockfighting for charity purposes.”
Aniya, base sa Presidential Decree 449 o Cockfighting law of 1974 may probisyon na nagsasaad para sa sabong para sa charity na possible anyang isakatuparan – bagay na pinaaral ni Cong. Suarez sa legal team ng PCSO.| ulat ni Melany V. Reyes