Sa Disyembre inaasahang matatapos ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ginagawang performance review sa system operator na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa pagharap ng ERC sa budget briefing ng Kamara sinabi ni ERC Chair Monalisa Dimalanta, na kasabay nilang isusumite sa presidente ang rate reset ng transmission firm na una nang ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng power outage sa Panay Island.
Inaasahan na ang rate reset na ito ay makakatulong sa pagpapababa ng singil sa kuryente.
Sabi ng opisyal, may mga performance indicator na kailangang masunod ng NGCP na kasama sa tinitignan nila ngayon.
Maging ang mga naantalang proyekto ng NGCP ay kasama sa assessment ng ERC.
“We have until the end of the year to submit our findings to the President…We have started our review of NGCP’s rate reset in 2022 and we are in the final stages of completing the reset and we are also undertaking based on the directive of the President a performance assessment on NGCP,” sabi ni Dimalanta. | ulat ni Kathleen Forbes