Sa botong 22 na senador ang pabor, walang tutol at walang nag-abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Archipelagic Sea Lanes Bill o Senate Bill 2665.
Pangunahing layunin ng panukalang ito na itakda ang sistema ng sea lanes o ruta sa mga dagat ng Pilipinas na maaaring daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat.
Ayon kay Senate Majority leader at Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zone chairman Senador Francis Tolentino, sa tulong nito ay mamo-monitor ang galaw ng mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid sa bahagi ng ating teritoryo at mas mapapalakas ang ating awtoridad na paalisin sila kung maikokosidera silang banta sa ating bansa.
Una nang pinaliwanag ni Tolentino na kailangan ng Pilipinas ng enabling law para sa pagtukoy ng mga sea lanes at air routes sa ibabaw nito para daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid bagamat itinatakda na ito ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).
Umaasa naman ang mga senador na ngayong naipasa na nila itong panukalang ito ay mapipirmahan na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones Bill.
Matatandaang una nang inaprubahan ng Bicameral Conference Committee ang final version ng Philippine Maritime Zones Bill.
Sa talakayan sa plenaryo kanina, sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri na hinihintay munang naaprubahan ang Archipelagic Sea Bill.
Sinabi ni Tolentino na napakahalaga ng mga panukalang ito lalo sa gitna ng mga agresibong aksyon ng China.| ulat ni Nimfa Asuncion