Nagpadala na ng memorandum ang Office of the Executive Secretary sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) na humihiling na kanselahin na ang pasaporte ni dating Bamban Mayor Alice Guo.
Kasunod ito ng impormasyon na nakarating na ng Malaysia, nagtungo ng Singapore, at lumipad papuntang Indonesia ang dating alkalde, sa kabila ng una nang pagpapabilang dito sa immigration lookout bulletin ng pamahalaan.
Sa gitna aniya ng pagtanggi ng alkalde na dumalo sa pagdinig ng Senado, maging ng kanyang kinahaharap na reklamo at ang alegasyon ng pagkakasangkot nito sa POGO operations sa Pilipinas, pinakakansela ng Palasyo ang pasaporte nito alinsunod na rin sa interes ng hustiya.
Bukod kay Alice Guo, pinakakansela na rin ng Palasyo ang pasaporte ng pamilya nito.
Kabilang na sina Wesley Guo, Shiela Guo, Cathering Cassandra Ong.
Pirmado ni Secretary Bersamin ang memorandum, ika-20 ng Agosto, 2024. | ulat ni Racquel Bayan