Nananawagan ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na maging mapagmatyag at magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa mpox.
Ito ay matapos na ideklara ng Department of Health (DOH) kahapon ang isang bagong kumpirmadong kaso nito sa Pilipinas ngayong taon.
Hiling ni PRC Chairman Richard Gordon sa publiko na alamin ang tungkol sa mpox, subaybayan ang mga balita, at maging mapagbantay sakaling may lumitaw pang mga kaso sa bansa.
Pinapayuhan din ang mga indibidwal na nahawaan ng mpox na mag-self-isolate, takpan ang mga sugat hanggang sa gumaling, maghugas ng kamay bago at pagkatapos hawakan ang mga sugat, at iwasan ang paghawak ng mga bagay sa mga lugar na ginagamit ng marami.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mpox ay isang nakahahawang sakit na dulot ng monkeypox virus.
Maaari itong kumalat sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga taong may impeksyon o mga hayop, at mga kontaminadong bagay.| ulat ni Diane Lear