Nasamsam ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ilang iligal na vape products sa ikinasa nitong raid sa kasagsagan ng Philippine Vape Festival 2024.
Pinangunahan mismo ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., at BIR Illicit Trade Task Force (ITTF) ang naturang raid na ginanap sa Las Piñas nitong weekend.
Matapos ang surveillance ay nakumpirmang may mga produktong vape ang itinampok sa festival na walang Internal Revenue stamps.
Giit ni Commissioner Lumagui, patunay lang ito na hindi talaga sumusunod ang karamihan sa industriya sa mga hakbang sa tamang pagbubuwis ng mga produktong vape.
Hindi naman umano titigil ang BIR laban sa mga patuloy na nagbebenta ng iligal na vape at titiyaking mapapanagot at makakasuhan ang mga ito dahil sa pag-iwas sa buwis.
Kasunod nito, ang panawagan ng BIR sa lahat ng impormante, pribado man o pampubliko, na isumbong ang anumang impormasyon tungkol sa mga lugar o kaganapan na may iligal na vape.
“We have given the vape industry every warning. The BIR will raid all venues with illicit vape, even on weekends or holidays. We will raid festivals. We will raid public markets. We will raid warehouses. You will face criminal charges for tax evasion,” ani Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: BIR