Mahigpit pa ring binabantayan ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Bulkang Taal kasunod ng muling pagbuga nito ng mataas na antas ng asupre.
Sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot sa 3,355 na toneladang volcanic sulfur dioxide (SO2) gas o asupre ang inilabas ng Bulkang Taal.
Nananatili rin ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.
Ayon sa PHIVOLCS, naobserbahan rin ang malakas na pagsingaw sa bulkan na may 2,600 metrong taas at napadpad sa hilagang-kanluran.
Sa kabila nito, walang naitalang volcanic tremor sa bulkan.
Patuloy namang pinag-iingat ng ahensya ang publiko dahil maaari aniyang makaapekto sa kalusugan ang vog o volcanic smog mula sa mataas na konsentrasyon ng sulfur dioxide.
Una naman nang nilinaw ng PHIVOLCS na local pollutants, hindi volcanic smog o vog ang dahilan ng mabababang kalidad ng hangin sa Metro Manila.
Nananatili pa rin sa Alert level 1 ang Bulkang Taal. | ulat ni Merry Ann Bastasa