Kapwa kinilala ng Pilipinas at Japan ang isang dekada ng progreso tungo sa kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isang symposium na inorganisa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa Tokyo.
Dinaluhan ng mga pangunahing opisyal mula sa pamahalaan ng Pilipinas at Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang nasabing symposium kung saan dito ay pinuri nina JICA President Tanaka Akihiko at Hiroshima Prefecture Governor Yuzaki Hidehiko ang Pilipinas para sa dedikasyon nito sa kapayapaan na nagsisilbing inspirasyon sa mga tagapagtaguyod ng kapayapaan sa buong mundo.
Ibinahagi rin nina Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Sec. Carlito Galvez Jr. at BTA Chief Minister Ahod Ebrahim ang kanilang mga pananaw tungkol sa mga mahahalagang hakbang na nagawa mula nang pirmahan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Tinalakay rin sa symposium ang mga kasalukuyan at hinaharap na hamon sa kapayapaan, stability, at pag-unlad sa BARMM, kasama ang mga kontribusyon mula sa mga miyembro ng National Government-Bangsamoro Government Inter-Governmental Relations Body at GPH-MILF Peace Implementing Panels.| ulat ni EJ Lazaro