Positibo si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na kung makakamit ng Pilipinas ang macroeconomic targets nito ay malalampasan ng bansa ang upper middle-income threshold sa taong 2025.
Sa pagharap ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa budget briefing ng House Appropriations Committee ngayong araw, sinabi ni Balisacan na kung makamit ng bansa ang kahit low-end ng economic growth target at ang average foreign exchange rate sa panahong ito ay hindi lalagpas ng P58 sa kada isang dolyar ay maaabot nating ang UMI status sa susunod na taon, ngunit kung hindi aniya ay maaari itong maantala sa 2026.
Sa presentasyon ni Balisacan, sinabi niya na pinananatili ng DBCC ang target growth rate ng bansa ngayong 2024 sa 6% hanggang 7% habang para sa taong 2025 ang GDP growth target ay nasa 6.5% hanggang 7.5%.
Ibinida naman ng NEDA secretary na sa unang quarter ng 2024 ay lumago ng 5.7%.
Sa panahon din ito aniya na ang Pilipinas ay nakapagtala ng mabilis na paglago ng ekonomiya kumpara sa mga karatig bansa, na pumangalawa sa India na may 7.8.% at naungusan ang China na may 5.3%.
Ngayong linggo aniya nila ilalabas ang 2nd quarter growth performance ng bansa kung saan inaasahan na napanatili ang matatag na ekonomiya at mapanatili ang regional growth standing. | ulat ni Kathleen Forbes