Nag-isyu ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ng panibagong kautusan para sa pag-aangkat ng 240,000 metriko toneladang asukal pandagdag sa suplay ng bansa.
Pirmado ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel ang Sugar Order No. 5 na nagtatakda sa sugar import program para sa crop year 2023-2024.
Nakapaloob rito ang pagpapahintulot sa importasyon ng 176,500MT refined sugar para sa eligible importers na kwalipikado sa ilalim ng Sugar Order No. 2 at 63,500MT para sa importers na kwalipikado sa ilalim ng Sugar Order No. 3.
Agad na tatanggap ng aplikasyon ang SRA regulation department sa Quezon City at Bacolod sa susunod na linggo habang ang import allocations ay ilalabas naman sa loob ng limang araw matapos ang application deadline.
Inaasahan naman ng SRA na maihahatid ang allocated volumes ng imported na asukal sa bansa simula sa September 15.
Una nang sinabi ng DA na layon ng sugar importation na masigurong magiging sapat ang suplay at manatiling stable ang presyo ng asukal sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa