Inanunsyo ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na nakatanggap ang Pilipinas ng A- credit rating mula sa Rating and Investment Information (R&I), ang pinakamalaking credit rating agency ng Japan.
Ibinahagi ni Recto ang balitang ito bago matapos ang briefing ng DBCC sa senado ngayong araw tungkol sa panukalang 2025 national budget.
Itinuturing ng Finance Secretary na isang milestone achievement ang credit upgrade na ito.
Aniya, ito ang kauna-unahang credit rating upgrade sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagpapatunay na malaki ang tiwala ng mga mamumuhunan at creditors sa pagpapatakbo ng presidente sa ekonomiya ng bansa.
Sa pamamagitan aniya ng mataas na credit rating na ito ay inaasahang mas magiging mura at cost-effective ang borrowing cost para sa pamahalaan at pribadong sektor sa bansa.
Inaasahan ring makakaakit ito ng mas maraming foreign investments para sa pilipinas at makakagawa ng trabaho para sa mga Pilipino.
Sa report ng R&I, kinilala nilang dahilan ng credit upgrade ng pilipinas ang macroeconomic stability, mataas na economic growth path at patuloy na improvement sa fiscal balance ng bansa.
Naniniwala rin ang Japanese credit watcher na patuloy na bababa ang utang ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion