Pangungunahan mismo ni Speaker Martin Romualdez ang pinakamalaking Bagong Pilipinas Serbisyo Fair bukas, August 2 sa Tacloban, Leyte.
Ang Eastern Visayas leg ng BPSF ang unang regionwide serbisyo caravan at pinakamalaki sa dami ng serbisyo at ayudang ipapamahagi gayundin sa bilang ng mga mambabatas na makikibahagi.
Ayon kay House Deputy Secretary General at BPSF National Secretariat lead Sofonias Gabonada, Jr. kabuuang P1.2 bilyon na halaga ng serbisyo ang ipagkakaloob sa mga residente ng Region 8 kung saan P800 milyon dito ay cash assistance.
Aabot din aniya sa 241 na mga mambabatas ang sasaksi sa ika-21 BPSF.
“Nandito ang mga congressman, 241 House members who will be visiting tomorrow to witness the Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at gusto nilang makita na yung inilaan nilang pondo sa mga ahensya ng gobyerno at mga program nito ay naparating talaga sa mga tao,” sabi ni Gabonada.
Paliwanag ni Gabonada ginawa nilang regionwide ngayon ang BPSF upang mas mapadali at maging episyente ang pagpabababa ng serbisyo ng gobyerno sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.
Kasabay kasi ng BPSF sa Tacloban, Leyte ay may iba pang mini-BPSF na gaganapin sa iba pang probinsya ng Eastern Visayan.
“If successful, we would replicate it (in other areas of the country),” aniya.
Para naman kay Tingog party-list Rep. Jude Acidre ang pwersa ng mga kongresista sa BPSF ay nagpapakita ng suporta sa inisyatiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na magdala ng pagbabago hindi lang sa Eastern Visayas ngunit sa buong bansa.
“Consistent po ang ating Speaker (Romualdez) at ang ating Presidente Marcos na ilapit ang serbisyo sa taong bayan. So let’s take advantage of it,” sabi ni Acidre.
Tiniyak din ni Acidre na kahit pa maging abala sila sa pagtalakay ng panukalang 2025 budget sa mga susunod na linggo ay hindi mapuputol ang serbisyo caravan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes