Hindi sinang-ayunan ni Senate Majority leader Francis Tolentino ang plano ng Land Transportastion Office (LTO) Region 7 na hulihin simula sa September 1 ang mga motorcycle rider na gumagamit ng mga improvised o temporary na plaka.
Ayon kay Tolentino, dapat na munang ayusin ng LTO ang backlog o mga kakulangan ng mga license plates.
Hindi naman aniya kasalanan ng mga rider na wala pa ang kanilang mga plaka.
Pinunto ng senador na aabot na sa 12 million ang backlogs ng LTO sa kabuuan mula pa Pebrero ng taong ito.
Kaugnay nito, plano ni Tolentino na sumulat kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista para suriin ang kautusang ito ng Rregion 7 (Central Visayas).
Hihilingin rin ng majority leader sa DOTr na huwag na rin munang ipatupad ang ganitong katulad na mga direktiba.
Ito lalo na aniya’t nakapasa na sa Senado ang Senate Bill 2555 o ang panukalang amyenda sa Doble Plaka law.
Nanawagan ang senador hintayin na muna ang desisyon o pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng panukalang ito.| ulat ni Nimfa Asuncion