Hindi muna itutuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang planong pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) kasabay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon kay Transportation Undersecretary Jeremy Regino, maaaring masyadong maaga pa upang ilipat sa pribadong sektor ang LRT-2 dahil hindi pa nito naaabot ang buong potensyal nito.
Hindi pa rin nakakakuha ng pondo ang DOTr para sa P10.12 bilyon para sa LRT-2 West Extension Project o ang expansion sa kanluran ng Recto Station. Bukod dito, isinasagawa na rin ng DOTr ang pagpapalawak ng LRT-2 hanggang sa Rizal.
Dahil dito, sinabi ni Regino na maaaring hindi angkop ang pagsasama ng MRT-3 at LRT-2 sa iisang package dahil magkaiba ang kanilang market at kailangan pang ayusin at palawakin ang LRT-2.
Inaasahang maglalabas ng pinal na desisyon ang DOTr tungkol sa pagsasapribado ng MRT-3 at LRT-2 bago matapos ang taon.
Samantala, naghahanap ang DOTr ng mga pribadong kumpanya na interesado sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng MRT-3, dahil ililipat na ito ng gobyerno sa Metro Rail Transit Corp. sa pagtatapos ng build-lease-transfer contract nito sa 2025. | ulat ni Diane Lear