Iimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang may-ari at kung sangkot nga ba sa smuggling ng langis o “paihi” ang lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan.
Pagtitiyak ni DILG Secretary Benhur Abalos na lahat ng anggulo ay kanilang titingnan sa lumubog na barko dahil marami na umanong abala ang naidulot nito sa kabuhayan ng mga mangingisda, sa pamahalaan, at sa mga pamilyang nakatira sa mga baybayin na nakapalibot sa paligid ng Manila Bay.
Ayon naman kay Philippine Coast Guard (PCG) Admiral Ronnie Gil Gavan, magsasagawa rin ito ng pagsisiyasat at makikipagtulungan sa imbestigasyon ng ibang ahensya matapos ang pag-clear nito ng mga langis sa lumubog na mga barko sa Bataan.
Tiniyak din ni Gavan na papatawan nila ng nararapat na parusa ang kanilang mga tauhan kung matatagpuang kasangkot ang mga ito matapos ang imbestigasyon pero sa ngayon nakatutok muna sila sa kanilang misyon upang mapigilan ang pagkalat ng langis.
Ayon naman sa task force ng pamahalaan na binuo para sa oil spill operation kung saan kapwa kalahok ang DILG at PCG, contained sa area ng ground zero ang langis na tumagas mula sa lumubog na barko.
Nanawagan naman si Sec. Abalos na huwag magkalat ng maling impormasyon para hindi na makadagdag sa pangamba ng publiko. | ulat ni EJ Lazaro