Umaalalay na ang Philippine Red Cross sa National Kidney and Transplant Institute dahil sa tumataas na kaso ng sakit na leptospirosis.
Nagtalaga ang PRC ng isang team na binubuo ng 15 medical personnel at mga volunteer upang suportahan ang mga staff ng NKTI.
Sa kanyang pahayag, tiniyak ni PRC Chairman at CEO Dick Gordon kay NKTI Director Dr. Rose Marie Liquete ang kanilang all out support sa ospital.
Handa rin silang maglatag ng mga medical tent na may mga hospital bed kapag ang sitwasyon o ang bilang ng mga pasyente ay lalong lumaki.
Una nang kinumpirma ng NKTI ang tumataas na bilang ng mga pasyente na may sakit na leptospirosis ang dinadala sa ospital
Ang biglang pagdami ng kaso ng leptospirosis ay nangyari pagkatapos ang malawakang pagbaha dulot ni bagyong Carina at ng Habagat. | ulat ni Rey Ferrer