Kaisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ngayon ng Araw ng mga Bayani.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo, sinabi nitong inaalala ng buong sambayanan ang mga matatapang na bayaning nakipaglaban dahilan upang matamasa natin ang kalayaan.
Sinabi ng Pangulo na ang mga kuwento tungkol sa tapang, katatagan, at pagmamahal sa bayan ng ating mga bayani ay may higit pang kahulugan sa kasalukuyan lalo na’t patahak tayo sa pagiging nagkakaisang bansa.
Bukod sa mga pangalang Andres Bonifacio, Dr. Jose Rizal, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, ay sinabi ng Pangulo na dapat ding mabigyang pugay ang mga aniya’y mga bayaning hindi kilala subalit may mahalagang ambag sa bansa.
Ito ay ang mga magsasaka, guro, wage earners na tumutulong sa pag-unlad ng ekonomiya, healthcare workers, at mga lingkod-bayan gayundin ang mga ordinaryong mamamayan na sa simpleng aksyon ay nagpapakita ng kabaitan sa kanilang kapwa.
Dagdag ng Pangulo na makakuha sana ng inspirasyon ang bawat isa mula sa ating mga ninuno sa gitna ng pagsisikap ng pamahalaan na maitaguyod ang Bagong Pilipinas kung saan ay makakapamuhay ang bawat indibidwal ng komportableng buhay na may dignidad. | ulat ni Alvin Baltazar