Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng 3 barkong pandigma ng China sa bisinidad ng isinasagawang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ng Australia, Canada, Pilipinas at Estados Unidos sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, nakabuntot sa sabayang pagpatrolya ng apat na magkaalyadong bansa ang People’s Liberation Army (PLA)-Navy WUZHOU (FSG 626) Jiangdao II Class Corvette, PLA-Navy HUANGSHAN (FFG 570) Jiankai II Class Corvette, at PLA-Navy QUJING (FSG 668) Jiangdao II Class Corvette.
Sinabi ni Trinidad na ang kaligtasan ng mga tauhang kalahok sa ehersisyo at pangkalahatang pagsasagawa ng MMCA ang pangunahing prioridad ng apat na bansa.
Una nang sinabi ng AFP na ang MMCA ay hindi dinisenyo laban sa anumang partikular na bansa.
Sa halip, ito’y pagtatanghal ng malakas na ugnayang pandepensa ng apat na bansa, at kanilang commitment na itaguyod ang international maritime Security at isulong ang isang bukas at malayang Indo Pacific Region. | ulat ni Leo Sarne