Umaaray na ang mga nagtitinda ng isda sa Pasig City Mega Market dahil bukod sa matumal na ang bentahan ay nagtaas pa ang presyo nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sumipa na sa ₱200 ang presyo ng kada kilo ng galunggong, ₱160 ang kada kilo ng tulingan, habang ang bangus ay nasa ₱130 hanggang ₱140 ang kada kilo, at tilapia ay nasa ₱110 ang kada kilo.
Isa rin sa mga nagmahal ay ang Salinas na isda na sumirit na rin sa ₱200 ang kada kilo kaya naman ang ilang mamimili, nasa 1/4 kilo lamang ang kinukuha.
Duda tuloy ang mga nagtitinda ng isda na may nananamantala sa presyuhan ng Salinas lalo’t sa Navotas at hindi direkta sa Bataan ito hinahango.
Kaya naman para hindi na maramdaman ang pagkalugi, binabawasan na lamang nila ang kanilang paninda upang maitawid ang kanilang araw. | ulat ni Jaymark Dagala