Bumaba ang presyo ng karne ng baboy sa Agora Public Market sa San Juan City kasunod ng pagbaba ng farm gate price nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱10 ang ibinaba sa presyo ng karne ng baboy kung saan ₱310 na ngayon ang kada kilo ng kasim habang ₱370 ang kada kilo ng liempo.
Nabatid na bumaba ang farm gate price ng baboy bunsod na rin ng epekto ng African Swine Fever (ASF).
Maliban sa baboy, bumaba rin ang presyo ng kada kilo ng kamatis sa ₱80 ang kada kilo mula sa dating ₱140 bunsod naman ng maraming suplay nito.
Bagaman ikinatutuwa ng mga mamimili ang pagbaba sa presyo ng kamatis, kabaligtaran naman ito sa mga nagtitinda dahil dumami rin ang kanilang kalaban gaya ng mga nagkakariton.
Samantala, nananatili namang walang paggalaw sa presyo ng manok at baka gayundin sa isda at ilang gulay na karaniwang binibili ng publiko. | ulat ni Jaymark Dagala