Ipinahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na tumutulong na ang pribadong sektor sa pamahalaan para maibsan ang problema sa pagbaha sa bansa.
Gaya na lang aniya ng San Miguel group na nagsasagawa ng dredging sa mga ilog nang kusa o libre at walang gastos sa pamahalaan.
Ayon sa San Miguel group, naglaan sila ng tatlong bilyong piso para sa pagbili at operasyon ng dregding equipment.
Kabilang sa mga natanggalan na nila ng basura at putik ay ang Tullahan River, San Juan River, Pasig River, at maging ang mga ilog sa Bulacan.
Ang SM group naman, ayon kay Loyzaga, ay gumagawa na ng engineering solution sa dating walang agwat na seawall at island ng kanilang reclamation project.
Binigyang-diin ng kalihim na maliban sa pagtutulungan ng DENR, Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pagbaha ay mahalaga rin ang pakikiisa ng pribadong sektor sa inisyatibong ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion