Iniulat ng Philippines Statistics Authority (PSA) ang pagbaba sa kabuuang produksyon sa sektor ng pagsasaka at pangisdaan sa bansa sa ikalawang quarter ng 2024.
Sa datos ng PSA, bumaba sa 15.56 milyong metriko tonelada ang produksyon ng agri sector kung saan pangunahing nakahatak ang pagbaba sa output ng tubo, palay, at mais.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), dulot ito ng epekto ng El Niño phenomenon.
Naitala naman sa 1.02 MMT ang volume ng fisheries production mula abril hanggang hunyo ng 2024, na mas mababa ng 6.2% sa output sa noong 2023.
Ito ay dahil sa mas mababang produksyon ng seaweed, galunggong, at matangbaka.
Umatras din ng bahagya ang produksyon sa baboy na sinasabing dahil sa pagkalat ng African Swine Fever.
Sa kabila nito, tumaas naman ng 8.7% ang poultry production sa ikalawang quarter ng taon.
Ayon naman kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, nananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa.
Nakatutok na rin aniya ang kagawaran sa pagtugon sa posibleng epekto ng La Niña sa agri sector kabilang na ang pagbuo ng water impounding system at irigasyon sa mga sakahan.
Kasabay nito ang pagbuhos ng suporta gaya ng binhi, pataba, at iba pang tulong sa ilalim ng Masagana Rice Industry Program, para maiangat ang produksyon ng bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa