Nakakuha ng commitment ang House of Representatives mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sagutin ang professional fee ng mga doktor sa pribado at pampublikong ospital.
Kasunod ito ng pulong ng House leaders, kasama si PCSO General Manager Mel Robles at Philippine Medical Association President Hector Santos ngayong araw.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, katuparan ito ng hangarin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing libre ang healthcare para sa mga Pilipino.
“Kaya nagpapasalamat tayo dito sa ating GM ng PCSO at sinagot niya yung hinaing ang ating healthcare professionals, lalo dito sa issue ng professional fees na hindi dati kasama. Sinamahan nga ni GM Mel Robles. Accepted by the board and siguro ‘pag October 30…Within this period to refine the modalities so that the implementation of the coverage of professional fees of all medical practitioners now will be covered by the government under under the auspices of the PCSO so that healthcare will be totally free. Libre ang healthcare para sa lahat ng Pilipino. yun po ang ating gusto, kaya yun po ang sinabi ng ating Presidente, President Ferdinad R. Marcos Jr. “ani Speaker Romualdez.
Sabi ni Robles, target nilang maipatupad ang pinalawig na programa sa October 30 na siyang Day of Charity ni Pangulo.
Sa ilalim ng pinalawig na medical assistance program ng PCSO ang kasama na ang professional fee sa mga maaaring bayaran gamit ang financial aid na kanilang ibibigay.
Pasok na rin aniya dito ang bayad sa kwarto dahil batid nila na ang mga pagkakataong kahit indigent ang pasyente ay sa pribadong ospital o pribadong ward na ito na-a-admit dahil sa kakulangan ng kwarto.
Salig sa panuntunan, mayroong 45 araw ang PCSO para bayaran ang guarantee letter ngunit kadalasan ay nababayaran na ito ng ahensya nang mas mababa pa sa 30 araw.
Malaki naman ang pasasalamat ni Santos sa hakbang na ito.
Aniya may mga pagkakataong higit tatlo o apat na buwan bago mabayaran ang mga preofessional fee ng mga doktor
Kaya malaking bagay ito na masisiguro na ng mga doktor na mababayaran ang kanilang serbisyo. | ulat ni Kathleen Forbes