Umarangkada na ang pagdinig ng Quad Comm ng Kamara ukol sa koneksyon ng POGO crimes, iligal na droga, at pamemeke ng foreign nationals ng mga dokumento.
Sa kaniyang pambungad na mensahe, inihayag ni Quad Comm Chair Robert Ace Barbers kung paano, ipinapasok ng syndicated crime organization ang droga sa bansa at sa pamamagitan ng POGO ay hinuhugasan o nililinis bilang money laundering.
Ginagamit naman ang naturang laundered money pambayad o panuhol sa ilang mga opisyal ng gobyerno para mapagtakpan ang gawain gayundin sa pamemeke ng mga dokumento para makakuha ng Filipino citizenship at makabili ng mga ari-arian.
“As a result, drugs continue to flow into our country, and POGOs have become hubs for all manner of criminal activity, including kidnapping, murder, human trafficking, money laundering, and cybercrimes,” sabi ni Barbers.
Iginiit naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na hindi nila hahayaan na masira ang istorya ng pagbangon at pag-unlad ng Pampanga mula nang sumabog ang Bulkang Pinatubo.
Aniya, ang mga nais dumungis sa imahe ng kanilang bayan ay hindi magtatagumpay.
Dagdag pa niya na ang imbestigasyong ito ay patunay sa commitment ng Kamara sa hustisya at paglaban sa kamalian.
Hindi aniya nila papayagan na maging ang iba pang lugar sa bansa ay mapasok ng iligal na gawain.
“We will not let this redemption story go in vain. We have sacrificed too much for our municipality to be buried yet again – this time through the entry of foreign entities with malign intentions. This is a warning to all who threaten the safety and security of our people: You will never succeed!,” diin ni Gonzales
Tiniyak naman ni Dan Fernandez na lahat ng sangkot sa iligal na gawaing ito ay pananagutin hindi lang ng batas kundi ng buong samabayanan lalo at nagigising na ang taumbayan sa mga maling gawain nila. | ulat ni Kathleen Forbes