Maraming paraan para mapasagot si Cassandra Ong hinggil sa kaniyang nalalaman sa operasyon ng iligal na POGO nang hindi madidiin ang kaniyang sarili.
Ito ang sinabi ni House Quad Committee Lead Chair Robert Ace Barbers sa gitna ng nakatakdang pagharap ni Ong sa imbestigasyon ng Kamara at Senado.
Una na kasing sinabi ng legal counsel ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na pinayuhan nito ang kanyang kliyente na i-invoke ang kanyang karapatang hindi tumestigo laban sa kanyang sarili o right against self-incrimination na dapat igalang ng mga mambabatas.
Ani Barbers maaari din humingi ng executive session si Ong kung kaniyang nanaisin.
“Marami naman para to actually compel her. We can avoid asking questions that will incriminate her kung that’s the way she feels. Maybe she can do it via an executive session or maybe we can ask other questions na hindi naman directly self incriminatory sa kanya,” saad ni Barbers.
Aminado si Barbers na hangga’t maaari ay nais nilang malimitahan muna ang exposure ni Ong upang maiwasang ma-coach ito sa kaniyang pagsagot sa mga tanong.
“As much as possible gusto namin ma-limit muna yung kanyang exposure kasi baka baka we don’t know, I’m sure she will be coached by her lawyers as to how she will respond to the questions that will be propounded by the members of the QuadComm, and if she’ll be allowed dun sa Senate of course she will also be coached by her lawyer as to how she will respond to the questions naman that will be asked by the senators,” dagdag ni Barbers.
Lunes nang ilipat ang kustodiya ni Ong sa Kamara.
Ito ay para masiguro ang kanyang kaligtasan gayundin ang integridad ng imbestigasyon.
Nananatili siya ngayon sa detention facility sa loob ng Batasan at may sapat na seguridad. | ulat ni Kathleen Jean Forbes