Inamin ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na base sa inisyal na pag-aaral ng kanilang ahensya, lumalabas na nakakaapekto at nakakapagpabagal ng daloy ng tubig ang reclamation na ginagawa sa Manila Bay.
Babaguhin din aniya ng reclamation ang circulation at retention ng pollutants at organic materials sa Manila Bay.
Gayunpaman, hindi pa direktang masabi ng kalihim na nakakaapekto ang reclamation sa nangyaring pagbaha sa kamaynilaan, kabilang na sa harap ng Senado na unang pagkakataong nangyari, dahil hindi pa tapos ang kanilang ginagawang pag-aaral.
Ayon kay Loyzaga, inaasahang sa Setyembre pa makukumpleto ang ginagawang cumulative impact assessment ng DENR o ang pag-aaral tungkol sa epekto ng reclamation lalo kapag may dadaang bagyo sa may bahagi ng Manila Bay.
Sinabi rin ni Loyzaga na sa pangkalahatan, anumang pagbabago sa coastline tulad ng pagtatayo ng mga imprastraktura ay tiyak na magpapabago sa lagay ng Manila Bay.
Nagkakaroon din aniya ng pagbabago sa kalidad ng tubig sa Manila Bay kaya naman nakukwestyon niya ngayon kung nasusunod at naipapatupad ba ng mga ahensya ang mandamus na inisyu ng Korte Suprema para dito.
Nakapaloob sa mandamus na ito na inaatasan ang 13 government agencies na linisin, i-rehabilitate at i-preserve ang Manila Bay at panatilihin ang kalidad ng tubig para pwedeng itong pagliguan at gawan ng iba pang recreation activities. | ulat ni Nimfa Asuncion