Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – North Manila District Engineering Office ang rehabilitasyon ng V. Fugoso Street sa Lungsod ng Maynila na inaasahang magpapabuti ng kondisyon ng kalsada sa lugar.
Dahil sa nasabing proyekto, pansamantalang isasara ng DPWH ang isang lane sa kahabaan ng V. Fugoso St. magmula A. Mendoza Street hanggang T. Mapua Street, na maaaring magdulot ng pagbagal ng trapiko sa lugar.
Kahapon, Agosto 29, ay sinimulan na ang rehabilitasyon sa nasabing kalsada na kinabibilangan ng asphalt overlay at pagtaas ng mga manhole sa higit 500 metrong bahagi nito.
Tiniyak naman ng DPWH na agad bubuksan ang isinarang lane pagkatapos ng proyekto, na inaasahang matatapos sa Setyembre 20, 2024.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na maghanda sa mabagal na daloy ng trapiko at ikonsidera ang paggamit ng mga alternatibong ruta habang isinagasawa ang pagsasaayos sa nabanggit na kalsada.
Ang proyekto ay sinasabing bahagi pa rin ng patuloy na pagsusumikap ng DPWH-NCR na mapabuti ang kaligtasan sa kalsada at ang imprastruktura sa Metro Manila. | ulat ni EJ Lazaro