Isang malaking karangalan para kay Negros Occidental Representative Francisco “Kiko” Benitez na maglingkod sa bayan bilang bagong Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General.
Nagpapasalamat aniya siya na ipinagkatiwala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniya ang naturang posisyon.
Gayundin sa mga kasamahan sa EDCOM2, Kamara, education organizations at mga kababayan sa Negros sa kanilang suporta.
Ang bagong posisyong ito ani Benitez ay isang full circle moment para sa kaniya.
Ang kaniya kasing tiyahin na si dating Senator Helena Benitez, ang may akda ng Republic Act No. 5462 na nagtatag sa National Manpower and Youth Council, na kalaunan ay naging TESDA.
Ipinaabot din ni Benitez ang paggalang at papuri kay TESDA acting DG Teng Mangudadatu sa kaniyang nasimulan sa TESDA, at nangako na ipagpapatuloy ang mga ipinatupad niyang inobasyon para sa upskilling ng mga kabataan at workforce.
“The job market and our skills needs have immensely evolved since 1969. We face many challenges in catching up with digial transformation, for example, and adapting our workforce to the digital economy. Pero kapag magtutulungan tayo, ang industriya, gobyerno, akademya at tech-voc institutions, magtatagumpay tayo. Sama-sama tayo hubugin ang Bagong Pilipino. Sama-sama tayo tungo sa Bagong TESDA, tungo sa Bagong Pilipinas.” sabi ni Benitez | ulat ni Kathleen Forbes