Inihain ngayon ni Abra Lone District Rep. Ching Bernos ang House Resolution 1839 na kumikilala at nagpapaabot ng pagbati kay Carlos Yulo.
Tinukoy sa resolusyon ang pagkapanalo ni Yulo sa Men’s Artistic Floor Exercise at Vault competition kung saan nanguna siya at nakasungkit ng dalawang magkasunod na gintong medalya para sa Pilipinas.
Ipinunto ni Bernos na itinaas ni Yulo ang ranggo ng Pilipinas dahil sa dalawang ginto na kaniyang nakuha sa single edition lang ng Olympics.
Kaya naman marapat lang aniya na bigyang pagkilala ng Kamara ang Pinoy gymnast sa tagumpay at karangalan na kaniyang dala para sa bansa.
Gayundin ay hinihimok ang Kamara na gawaran ng congressional medal of excellence.
Sa kasalukuyan, dalawang Congressional Medals lamang ang ipinagkakaloob ng Kamara.
Ito ang Congressional Medal of Distinction para sa Filipino achievers sa larangan ng sports, business, medicine, science at arts and culture at ang Congressional Medal of Achievement na kumikilala naman sa political, economic at cultural leaders. | ulat ni Kathleen Forbes
📷: PSC