Agad lumusot sa Ways and Means Committee ng Kamara ang House Bill 421 na inihain ni Albay Representative Joey Salceda.
Ang naturang panukala ay hango sa kaparehong panukala na inihain noong 18th Congress na tinawag na Hidilyn Diaz Law.
Aamyendahan ng panukala ang Section 4 ng RA 10699 upang i-exempt mula sa taxes, fees, at charges ang lahat ng rewards ng ating mga atleta at coach na kumatawan o nanalo sa international sports competition gayundin ang donasyon sa training sa loob ng isang taon.
Ang paghahain ng panukala ay kasunod ng pagkapanalo ng Pinoy gymnast na si Carlos Yulo ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics na sinundan ng buhos ng mga pabuya at insentibo.
“House Bill 421…exempts not just the prizes that are handed out by brands and companies after the win. Its most important provision is that it exempts donations towards their training one year before the competition,” ani Salceda.
Nais din ni Salceda na huwag limitahan ang tax exemption sa donasyon para sa atleta sa kaniyang training ng isang taon basta’t ito ay idinaan sa Philippine Sports Commission o Philippine Olympic Committee.
“In fact, I would like to forward to you an additional proposal: that we not just exempt donations towards their training for one year, but to exempt donations from tax for their entire training, provided that such donations are made through the Philippine Olympic Committee or the Philippine Sports Commission,”sabi pa ni Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes