Magpupulong ngayong araw ang Mutual Defense Board – Security Engagement Board ng Pilipinas at Estados Unidos para talakayin ang mga napagkasunduang polisiya sa depensa at seguridad ng dalawang bansa.
Isasagawa ang pagpupulong sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City na pangungunahan nina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. at USINDOPACOM Chief Admiral Samuel Paparo.
Kabilang sa inaasahang matatalakay ang pag-apruba ng mga aktibidad ng dalawang magkaalyadong pwersa para sa susunod na taon.
Matatandaang sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na inaasahan niyang matatalakay din ang depenisyon ng “armed attack” na maaring mag-trigger sa Mutual Defense Treaty (MDT) ng dalawang bansa.
Ang naturang aktibidad, ayon sa AFP, ay nagpapatibay lamang sa matagal nang ugnayan ng Philippine at US militaries at ang kanilang pagsusumikap para sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific Region. | ulat ni Leo Sarne