Nakiisa si Senate President Chiz Escudero sa naging pahayag ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Davao City Chapter kaugnay ng naging operasyon ng Davao pulis sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Buhangin district.
Ayon kay Escudero, bilang isang abugado at officer of the court ay sang-ayon siya sa panawagan ng IBP Davao na respetuhin ang rule of law.
Kaisa rin ang Senate president sa pagpanawagan at paghikayat kay Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na para maiwasan ang paglala pa ng sitwasyon.
Nanawagan naman si Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros sa pambansang pulisya na tiyaking walang karahasang magahanap sa pagpapatupad nila ng kanilang mandato.
Giit ni Hontiveros, walang mamamayan na dapat masaktan sa proseso ng pagdakip kay Quiboloy at dapat ipatupad ng mga tagapagpatupad ng batas ang maximum tolerance.
Umapela rin ang senadora sa mga pulis maging sa mga miyembro ng KOJC na maging mahinahon.
Sa huli, giniit ni mambabatas na matatapos lang ang lahat ng ito kung magpapakita na sa publiko si Quiboloy.| ulat ni Nimfa Asuncion