Puspusan pa rin ang ginagawang sandbagging operations ng Malabon LGU sa nasirang Tullahan Riverwall sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, pinatututukan na nito ang pagkukumpuni sa nasirang riverwall na nagsisilbing harang para mapigilan ang pagbabaha sa lungsod.
“Ngunit huwag ho kayong mag-alala dahil tayo po ay nagsagawa ng mga operasyon at nakipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang maibsan at tuluyan nang maayos ang ating problema sa pagbabaha at masiguro ang inyong kaligtasan,” pahayag ni Mayor Sandoval.
Inaasahang matatapos ang sandbangging operations sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Nakipagpulong na rin ang alkalde sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para talakayin ang pagsasaayos at pag-upgrade ng Tullahan Riverwall.
Tinatayang aabutin naman ng ₱30-₱40 milyon ang pondong ilalaan para sa rehabilitasyon ng pasilidad gamit ang Quick Response Fund.
Kasunod nito, tuloy-tuloy naman ang Walang Tulugan Serbisyo Caravan ng LGU para mahatiran ng tulong ang mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa