Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division ang isang nagsisilbing scam hub sa loob ng Grand Centennial Homes sa bayan ng Kawit, Cavite.
Naaresto sa operasyon ang nagpapatakbo ng scam hub kabilang ang tatlong Chinese, dalawang Malaysian at 24 na mga Pilipino.
Ayon kay NBI Dir. Retired Judge Jaime Santiago, nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng mga residente na ilang mga bahay dito ang ginagamit ng isang sindikato bilang scam hubs.
Kasama sa scam operation na nabuwag ng NBI sa lugar ang romance scams, investment scams, crypto scams, impersonation scams, at credential stuffing.
Isa rin sa parte ng mga bahay ang natuklasan ng operatiba na nagsisilbing ‘scam showrooms’ dahil dito makikita ang iba’t ibang mga pekeng produkto at luxury items na pinalalabas na mga genuine o authentic.
Nasamsam din ng NBI ang iba’t ibang electronic devices gaya ng desktop computers, laptops, at cellphones na gamit sa kanilang malawak na operasyon.
Nasampahan na ng mga kasong paglabag sa RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act ang mga suspek na nakakulong ngayon sa tanggapan ng NBI. | ulat ni Merry Ann Bastasa