Balak ni Sen. Bato dela Rosa na humingi ng clarificatory relief o paglilinaw mula sa Korte Suprema sakaling matuloy ang paghahain sa kanya ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Tugon ito ng senador matapos matanong kung anong legal na hakbang ang gagawin nito kapag nagkaroon ng warrant of arrest laban sa kanya.
Naniniwala si dela Rosa na anumang magiging desisyon ng SC ay magiging binding o dapat sundin ng lahat.
Gayunpaman, aminado ang senador na kailangan muna nilang hintayin na lumabas ang arrest warrant bago ihain itong clarificatory relief sa SC.
Aniya, hangga’t wala kasi ang warrant of arrest ay wala namang kailangan pang linawin ang katas-taasang hukuman.
Idinagdag rin ng mambabatas na oras na maihain niya any clarificatory relief ay hindi pa maaaring ipatupad ang warrant ng ICC. | ulat ni Nimfa Asuncion