Nakipagpulong si Senate President Chiz Escudero sa mga kinatawan ng iba’t ibang transport groups kaugnay ng resolusyon na pinirmahan ng 22 na mga senador na panawagang suspendihin na muna ang PUV modernization program.
Kabilang sa mga nakapulong ni Escudero ang mga kinatawan ng tinatawag na ‘magnificent 7’ na mula sa mga grupong Pasang Masda, LTOP, ACTO, FEJODAP, ALTODAP, STOP & GO, Bussina at UV Coop.
Ang mga grupong ito na nakausap ngayon ni SP Chiz ay bahagi ng 83% na sumunod na sa modernisasyon.
Ayon kay Escudero, walang epekto sa mga grupong ito ang pinirmahan nilang resolusyon dahil ang layunin ng Senado ay huwag pilitin ang mga hindi pa nakakasunod sa modernisasyon na makiisa sa programa.
Ang nais aniya ng mga senador ay huwag maitsapwera ang 16% na hindi pa sumasali sa modernisasyon at huwag silang ideklara na mga kolorum
Bukod sa pagpapaliwanag ng posisyon ng Senado ay hiningi rin ng senate president ang feedback ng mga grupong sumunod na sa modernisasyon tungkol sa programa.
Ngayong linggong ito ay balak rin ni Escudero na makipagpulong sa mga transport groups na nagproprotesta gaya ng mga grupong Manibela at Piston para marinig ang kanilang hiling.
Matapos nito, hihingi rin ng pagpupulong ang Senate leader kay Transportation Secretary Jaime Bautista at saka ipapaabot ang hinaing at komento ng dalawang panig ng transport groups. | ulat ni Nimfa Asuncion