Hinikayat ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada na National Bureau of Investigation (NBI) na hingin na ang tulong ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) para mailagay sa red notice list si dismissed Mayor Alice Guo.
Ito ay matapos lumabas ang impormasyon na nakalabas na ng Pilipinas si Guo kahit pa may warrant of arrest na ito mula Senado at nahaharap sa iba’t ibang mga kaso dito sa bansa.
Sa pamamagitan ng paglalagay sa Red INTERPOL Notice ay maaalerto ang police force ng iba’t ibang mga bansa para hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o anumang legal na aksyon.
Nakiisa na rin si Estrada sa paghimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin na ang Philippine passport ni Guo.
Ayon kay Estrada, sapat nang basehan ang patong patong na kaso laban kay Guo gaya ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Manila Regional Trial Court (RTC), mosyon na kanselahin ang kanyang birth certificate at ang human trafficking cases para kanselahin ang kanyang passport.
Pinunto ng sendor na sa ilalim ng Republic Act 11983 o ang new Philippine Passport Act, ang DFA secretary o sinumang awtorisadong consular official ang pwedeng magkansela sa passport ni Guo para na rin sa national security ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion